566

Dec 19, 2019 @ 15:45
By

Duterte: Mga adik, lasing na tambay sa kanto, ilagay sa drum!

Ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong pakalat-kalat sa mga kanto, partikular ang mga durugista at mga manginginom na tambay.

Inatasan ng Pangulo ang mga pulis na paalisin ang mga pasaway sa mga kanto dahil nakakaperwisyo aniya ang mga ito sa mga mamamayan.

Hindi aniya maiwasang matakot ang publiko lalo na kapag nakakakita ng mga adik o mga lasenggo sa kanto.

“I do not want anybody loitering in the corner…lalo yung mga durugista, ‘yung mga bugoy-bugoy. ‘Pag may nag-istambay diyan, mag-inom, i-report sa pulis. I do not want it,” anang Pangulo.

Binilinan ni Dutere ang mga pulis na paalisin o patulugin nang maaga ang mga ito, at kung magmatigas ay patulugin nang permanente at ilagay sa drum.

“The police is listening now. Paalisin mo ‘yan sila, patulugin nang maaga. Kung ayaw matulog nang maaga, eh ‘di gusto mo permanenteng tulog, ilagay mo sa drum. ‘Pag sinabing huwag, huwag. Isang salita lang,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang iniutos na noon ng Presidente ang pagbabawal sa mga tambay lalo na sa mga kabataan na pagala-gala sa gabi at iniutos na arestuhin ang mga ito at i-surrender sa barangay para mapagsabihan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?