684

Sep 11, 2021 @ 12:37
By

Duterte may banta sa Red Cross kapag nagmatigas si Dick

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na puputulin ang lahat ng transaksiyon ng gobyerno sa Philippine Red Cross kapag hindi nagsumite ng annual report ang chairman nito na si Senador Richard “Dick” Gordon.

Bukod sa annual report ay nais din ng Pangulo na i-audit ang pondo ng Red Cross mula sa mga tinatanggap na pondo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Presidente na mapipilitan siyang tuluyang pagsarhan ng pintuan ang Red Cross mula sa tinatanggap na mga tulong sa gobyerno kapag nagmatigas si Gordon na huwag ipa-audit ang pondo nito.

“Ngayon kung ayaw mo, mapipilitan akong totally disassociate with you. I will stop the national government and all from having transaction with you in any manner. Wala akong pakialam, hindi ako magbigay ng pera sa iyo. As far as I’m concerned, Red Cross does not exist. Either you submit and auditing procedure or we quarrel,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na nakasaad na batas na kinakailangang magsumite ng annual report ang Red Cross sa Pangulo ng bansa subalit anim na taon na siya sa puwesto ay wala pa itong natatanggap na report.

“The Red Cross must submit to the President an annual report. Since then, wala akong natanggap anim na taon na ako. Mr. Senator Gordon, nasaan na ang report?” dagdag ng Pangulo.

Tumatanggap ng pera aniya ang Red Cross sa gobyerno kaya dapat lamang na malaman kung saan ginamit ang pondong ibinibigay sa Red Cross na pinangangasiwaan ni Gordon.

Alam aniya ng Commission on Audit ang dapat gawin kaya hindi na kailangang utusan ito para i-check ang Red Cross.

“Any money belonging to the government given to the agency, whatever be the nature if you are operating here and you receive the money and spend it, you are accountable for the government and therefore, an audit is in handle,” wika ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na susulat ito kay Gordon sa mga darating na araw para igiit na buksan ang libro ng Red Cross para malaman kung saan ginamit ang mga pondong tinatanggap mula sa gobyerno.

“So in the coming days I will write you a letter to open up your records because I will also ask Aguinaldo and I am sure he knows his business that there is body belonging to the government which he has to look into,” dagdag pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?