42

Jan 23, 2020 @ 15:39
By

Duterte may agam-agam sa imbitasyon ni Trump

Nasa gobyerno na ng Amerika ang pagpapasya kung nais ng mga ito ang presensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gaganaping US-ASEAN summit.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng imbitasyon ni President Donald Trump sa Pangulo para dumalo sa nabanggit na summit na gagawin sa Las Vegas, Nevada sa Marso.

Sinabi ni Panelo na nakausap niya ang Presidente at inihayag ang mga agam-agam nito sa imbitasyon ni Trump.

Ayon sa kalihim, pinag-iisipan ni Pangulong Duterte ang isyu dahil noon pa man ay ayaw niya talagang umapak sa Amerika.

Bukod dito, sinabi aniya ng Presidente na may ilang US senators na hindi natutuwang makita ang presensiya nito sa Estados Unidos maliban pa sa posibilidad kung maiisyuhan ba siya ng visa.

Kung sakali man aniyang makakuha ng visa ang Presidente at makarating sa Amerika, wala ring katiyakan kung papapasukin siya dahil sa probisyon ng Magnitsky Law na hindi papapasukin sa Estados Unidos ang mga opisyal ng Pilipinas na may kinalaman sa pagpapakulong kay Senadora Leila de Lima.

“He said, one, he has to ponder over it. Why? Because he doesn’t want to go there, and if he’s already there some US senators would be unhappy seeing him there. Number two sabi niya, ‘I do not even know if US will issue me a visa. And If I’m issued a visa, I do not know if when I arrived in the states I would be allowed entry,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na nasa gobyerno na ng Amerika ang desisyon kung talagang desidido silang papasukin si Pangulong Duterte dahil na rin sa banta ng ilang US senator na magra-rally sila kapag bumisita ang punong ehekutibo sa Amerika.

“The ball has been thrown to them. Then they have to do something about it, since the President has already made his position on the matter. Kung baga, ‘itinapon ko sa inyo mamaya hindi ninyo ako papasukin’. Kung ‘yan ang posisyon ng US senators,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?