164

Jan 23, 2019 @ 21:14
By

Duterte: Malapit na tayo sa mapayapang Mindanao

Masaya at kuntento si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging resulta ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sinabi ng Pangulo na ilang hakbang na lamang ang kailangan tungo sa inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Sa kabila ito ng pagtutol ng grupo ni dating Moro National Liberation Front (MNLF) Nur Misuari na mapabilang sa mga lugar na masasakop ng bagong entity na Bangsamoro Autonomous Region kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.

Sinabi ng Pangulo na sa kabila ng magandang resulta ng plebisito, kailangan pa rin aniyang pagtuunan ng pansin ang balwarte ni Misuari sa Jolo, Sulu.

“I’m very happy. We are a step nearer to a peaceful Mindanao. But then we have to refocus again sa Western side kasi si Misuari must have something there,” anang Pangulo.

Bumoto ng “no” ang mga taga-Sulu para sa ratipikasyon ng BOL kaya ito aniya ang pagtutuunan din ng pansin.

Sinabi ng Presidente na ayaw niyang isipin ni Misuari na binabalewala ang damdamin nila kaya kakausapin niya ito sa mga darating na araw para makasiguro ng kaayusan at kapayapaan sa rehiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?