100

Sep 11, 2021 @ 18:38
By

Duterte mainit pa rin ang mata sa mga drug lord

Natatakot si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng magiging kahahantungan ng bansa kung hindi matitigil ang pagpasok ng illegal na droga sa bansa.

Ito ang inihayag ng pangulo sa kanyang Talk to the People sa kabila ng pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa illegal drug trade sa bansa.

Inireport ng pangulo sa publiko ang matagumpay na anti-drug operations sa Imus, Cavite kung saan nakasamsam ang mga awtoridad ng 48 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P331.2 million.

Bukod pa rito ang hiwalay na operasyon ng mga otoridad sa Bacoor, Cavite kung saan 180 kilos ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad na nagkakahalaga ng P1.224 billion.

Bilyon na aniya ang pinag-uusapan sa illegal drug trade at tiyak na milyon-milyong Pilipino ang masisira ang ulo at masisira ang buhay dahil sa illegal na droga.

Muling inihayag ng pangulo na galit ito sa mga sangkot sa droga at tiyak na mangyayari sa mga ito kapag hindi tumigil sa kanilang illegal na operasyon.

“Hindi ako nagbibiro kung sinasabi ko na natatakot ako sa anong mangyari ng bayan ko pagka hindi nahinto itong pasok ng droga,” anang pangulo.

Muling binalaan ng presidente ang mga sangkot sa illegal drug trade na papatayin niya ang mga ito kapag hindi nagpaawat sa kanilang illegal na operasyon.

“I would like to reassure again those who are into it that do not destroy my country because I will kill you. It’s not joke coming from me since I was mayor. Hindi talaga ako papayag kailanman,” dagdag ng pangulo.

Isa sa adhikain ng Duterte administration ay malinis ang bansa sa illegal na droga kaya inilunsad ang war against drugs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?