9

Aug 9, 2021 @ 20:36
By

Duterte magpapaulan cash reward sa Pinoy Olympians

Pinasalubungan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng cash incentives ang mga Pinoy athlete na dumating sa bansa mula sa katatapos na Tokyo Olympics.

Sa virtual courtesy call, inanunsyo ng pangulo ang ibibigay na insentibo mula sa kanyang tanggapan hindi lamang sa mga nakasungkit ng medalya kundi para sa lahat ng atletang lumahok sa Olympic games.

Para sa silver medalist, magbibigay ang pangulo ng dalawang milyong piso, habang isang milyong piso naman sa bronze medalist.

“I’d like to announce that in addition to what the law gives you, the P5 million silver medalist and the bronze medalist, two million pesos, my office, the Office of the President will grant additional cash incentives to our athletes in the Tokyo Olympics,” anang pangulo.

Si Carlo Paalam na silver medalist sa boxing ay tatanggap ng dagdag na dalawang milyong piso mula sa pangulo; Nesty Petecio,silver medalist sa boxing ay tatanggap din ng dalawang milyong piso; Eumir Marcial, bronze medalist sa boxing, isang milyong piso; at Irish Magno, (boxing) ay tatanggap ng P200,000.

Inanunsyo din ng pangulo na lahat ng mga lumahok sa Tokyo Olympics kahit hindi nakasungkit ng medalya ay makakatanggap ng tig-P200,000 mula sa Office of the President.

Lahat aniya ng mga medalist ay gagawaran ng Order of Lapu Lapu medal .

“Our other Filipino Olympians will receive P200,000 from the Office of the President, lahat. And the medalists will receive the Order of Lapu Lapu Medal that is an honor given by the Republic of the Philippines to those who have excelled in something and brought honor to the country,” dagdag ng pangulo.

Bibigyan din ng Presidential citations o pagkilala ang lahat ng mga Pinoy athlete na lumahok sa Olympics.

Sa ilalim ng batas, bibigyan ng insentibo ng gobyerno ang mga atletang Pinoy na nakakuha ng medalya sa Olympic games, P10 million para sa gold medalist, P5 million sa silver medalist, at dalawang milyong piso para sa bronze medalist.

Ipinaabot ni Pangulong Duterte sa lahat ng mga lumahok sa Tokyo Olympics ang pagbati at pinasalamatan ang mga ito dahil sa parangal na ibinigay para sa bansa.

“It is not an everyday occurrence that we receive such an honor from our citizens of the Republic of the Philippines. You went to Tokyo to fight and I, well, say that you did your best and the Filipino people appreciate it, especially bringing honor to the country,” wika ng pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?