21

Jul 2, 2020 @ 15:05
By

Duterte magpapatawag ng special session para sa ‘Bayanihan 2’

Magpapatawag ng special session sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte para sa stimulus package na hinihiling ng gobyerno para matugunan ang patuloy na mga pangangailangan ng bansa sa epekto ng COVID crisis.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na halos plantsado na ang “Bayanihan 2” para maipagpatuloy ng gobyerno ang pag-alalay at pagtulong sa mga Pilipinong matinding naapektuhan ng krisis.

“Halos plantsado na ang Bayanihan 2 at magpapatawag nga po ng special session dahil talagang importante na ma-renew o ma-extend ang Bayanihan Act dahil marami pong natigil na benepisyo matapos mag-expire ang Bayanihan to Heal as One Act,” ani Roque.

Mismo aniyang si Finance Secretary Carlos Dominguez ang nagsabing kailangan ang Bayanihan II dahil kailangang makabawi ang ekonomiya matapos malugmok dahil sa epekto ng COVID-19.

Nakapaloob sa hinihiling na stimulus package sa Kongreso ang P140 billion para magamit sa mga programang may kinalaman sa pagbangon sa epekto ng COVID-19.

Ang Bayanihan to Heal as One Act ang nagbigay ng emergency power kay Pangulong Duterte para tulungan ang pinakamahihirap na pamilyang Pilipino na naapektuhan ng COVID crisis at maisulong ang mga hakbang para mapigilan o mabawasan ang kontaminasyon ng pandemya sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?