74

By

Duterte madaling kausap, bukas sa panibagong dayalogo sa Simbahan – Panelo

Bukas ang Malacañang na makipag-usap sa Simbahang Katolika para maayos ang gusot sa pagitan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte kung hihingin ito ng mga pari at obispo.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng banat ng isa pang obispo kay Pangulong Duterte kung saan tinawag itong “devil”.

Sinabi ni Panelo na na tiyak na papayag ang Presidente lalo na kung ang makikinabang dito ay ang sambayanan.

Madali aniyang kausap si Pangulong Duterte at kung nais ng mga alagad ng Simbahan ng panibagong dayalogo ay walang problema sa Malacañang.

“Si Presidente naman, okay lahat iyan. Si Presidente, alam niyo, anything that is beneficial to the nation. Palagi siyang gusto. Okay sa kanya lahat iyan. Napakadaling kausap si Presidente kung hinihingi ba nila, wala namang problema kay Presidente ‘yun. Okay lang nang okay si Presidente,” ani Panelo.

Nauna rito, sinabi ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na seryosong bagay ang naging pahayag ng Pangulo matapos atasan ang mga tambay na holdapin ang mga obispong mayayaman at hindi dapat na ipagwalang-bahala aniya ang utos na nagmula sa “demonyo”.

Pero sinabi naman ni Panelo na kaya naman bumabanat ang Pangulo sa mga pari at obispo ay dahil ang mga ito ang naunang bumanat sa kanya.

Aminado si Panelo na nakalimutan na ang sinimulang dayalogo sa Simbahan noong nakalipas na taon kung saan bumuo pa ng three-man committee sa pamamagitan nina dating Presidential Spokesman Harry Roque, Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella at Pastor “Boy” Saycon ng EDSA People Power Commission.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?