33

Apr 12, 2021 @ 22:14
By

Duterte lumutang na

Nagpakita na sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang dalawang linggo na wala itong public appearance.

Sa kanyang “Talk to the People” ngayong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na sinadya niya ang hindi pagpapakita sa publiko.

“Noong nawala ako ng ilang araw, talagang sinadya ko ‘yun. ‘Pag kinakalkal mo ako, parang bata, ‘pag lalo mo akong kinakantiyawan, e mas lalo akong gagana,” aniya.

Matatandaang nakansela ang regular Talk to the People ng Presidente noong Abril 5, 2021 dahil maraming nagpositibong tauhan ng Presidential Security Group na naging dahilan para lumutang ang mga haka-haka na nagkaroon ito ng atake sa puso.

Ang PSG ang nangangalaga sa kaligtasan at seguridad ni Pangulong Duterte kaya minabuti na huwag munang magsagawa ng mga pampanguluhang aktibidad ang Presidente para masigurong hindi ito mahawa ng virus.

Huling nagpakita sa publiko ang 76-anyos na Pangulo noong Marso 29 nang salubungin ang pagdating ng milyong dose ng Sinovac vaccine.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?