59

Sep 15, 2020 @ 16:07
By

Duterte: Kung walang bakuna, maghalikan na lang tayong lahat

Dinepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang plano na sa Russia o China kumuha ng COVID-19 vaccine, at hindi sa iba pang bansa na nagde-develop din ng kani-kanilang bakuna.

Giit ni Duterte, tanging ang China at Russia lamang ang nag-abot ng tulong sa Pilipinas nang unang tumama ang pandemya sa bansa, at ang naturang nasyon lang din umano ang nag-offer ng bakuna para sa mga Pinoy.

“So we were drifting in a seashore tapos dumating itong bagyo. Walang ibang bayan na tumulong sa atin,” lahad ng Pangulo sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes. “But the only country that offered to help initially and said, ‘Do not worry when we invent one, we’d give you’ was Russia then China.”

Aniya pa, hindi rin umano mahirap lumapit sa China dahil hindi tulad ng ibang bansa ay wala aniyang hinihinging cash advance ang mga Chinese.

Biro pa ng Pangulo, kung hihintayin na makapagbayad pa ang Pilipinas para sa bakuna ay mas mabuti umanong maghalikan na lang ang mga Pinoy para mas mapadali ang infection ng virus.

“Kung wala tayong ibigay sa kanila cash advance, eh di walang vaccine. Eh walang vaccine, di maghalikan na lang tayong lahat para mas madali,” saad ni Duterte.

Hindi naman pinangalanan ni Duterte ang mga bansa na naghihingi umano ng cash advance, ngunit sinabi niya na parte ito ng western country kung saan kinabibilangan ng America at United Kingdom.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?