141

Sep 8, 2021 @ 21:28
By

Duterte: Kung totoong nangurakot si Duque, magre-resign ako!

Magbibitiw sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte kapag napatunayang kinurakot ni Health Secretary Francisco Duque III o ng sinumang opisyal sa ehekutibo ang kinukuwestiyong P67.3 bilyong nakalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa National Convention ng PDP-Laban sa San Fernando City, Pampanga nitong Miyerkules ng hapon, September 8.

Sa kanyang talumpati, binanggit ng Pangulo ang mainit na isyu ngayon na pinag-iinitan ng oposisyon partikular ang hindi nagamit na pondo ng Department of Health na pinapalitaw na kinurakot ng mga opisyal sa ehekutibo.

Sinabi ng Presidente na nagsalita na ang Commission on Audit na walang nawalang pondo at walang korapsyon subalit pilit na hinahanapan ng butas ng Senado para siraan ang ehekutibo.

Kung mapatunayan aniya na mayroong kinurakot na pera ng taumbayan ay magbibitiw ito sa puwesto at pananagutan niya ito.

“Sasabihin ko sa inyo, kung totoo man ‘yan I will resign, p***i*** I will resign. Kung si Duque kinorap (corrupt) niya or anybody in the executive department, maski malayo ako sa transactions diyan, being the President of the executive department and the country, talagang mananagot ako,” anang Pangulo.

Muling binira ng Presidente si Senador Richard Gordon dahil sa pagpupumilit aniya na idawit siya sa isyu kaya kung saan-saan na napupunta ang imbestigasyon matapos mapatunayang hindi nagamit at hindi nakurakot ang P67 billion pesos para sa pagtugon sa COVID-19.

“Por Diyos, Gordon and company should not be stupid really to be dwelling on how the department should be run and how the money given to it be spent,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?