36

Feb 16, 2021 @ 9:42
By

Duterte kina Robredo, Lacson: Hindi pera gustong hingin sa US

Mga armas at hindi pera ang gustong hingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika kaugnay sa kanyang pahayag na kailangang magbayad ang Estados Unidos kung gusto nilang magpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa bansa.

Tugon ito ng Pangulo sa banat nina Vice-President Leni Robredo at Senator Panfilo Lacson na tila nangingikil ang Pilipinas sa Amerika sa tinuran ng Presidente.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabi ni Pangulong Duterte na sa tagal na umiiral ang VFA sa pagitan ng Pilipina sat Amerika ay walang ibinibigay ang mga Amerikano para sa bansa.

Mga armas aniya na kayang ipantapat sa mga umaaligid sa bansa ang dapat na ibigay ng Amerika gaya ng ginagawa nila sa ibang mga bansang pinakikinabangan ng kanilang puwersa.

“Hindi pera ang gusto kong hingin sa kanila. We should be provided with the arms and armaments that is (sic) capable of at least that would place us an equal footing with the other countries at war with us. Yung Amerikano, walang ibinibigay,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na mayroon na namang nakatakdang war games sa buwan ng Mayo kung saan ipapakita ng mga Amerikano sa mga Pilipinong sundalo ang kanilang mga kagamitan at tuturuan pa ang mga ito kung paano gumamit, subalit pagkatapos ng aktibidad ay bibitbitn rin ang mga kagamitan pagbalik sa Amerika.

Dagdag ni Duterte, mistulang ginagawang “outpost” lamang ng Amerika ang Pilipinas at ang nakokompromiso ay ang kaligtasan ng mga Pilipino laban sa mga kalaban ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?