327

Oct 24, 2018 @ 23:34
By

Duterte kina Lapeña, Aquino: Huwag kayong mag-away!

Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Customs Commissioner Isidro Lapeña at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na huwag mag-away sa isyu ng nakapuslit na ilang tonelada ng shabu sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa paggawad ng parangal sa Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) at National Artists Award sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na sa halip magbangayan sa publiko ang dalawang opisyal ay tugisin ang mga nasa likod ng pagpuslit sa P 6.8 billion na halaga ng shabu.

Sinabi ng Presidente na nalusutan sina Lapeña at Aquino ng mga nakipagsabwatan sa sindikato kaya sa halip na magturuan ay habulin ang mga dapat managot sa pagpuslit ng shabu.

“Customs nalulusutan. Lapena is good, he has been with me. He has served Davao City more than 15 years. Pati yang si Aaron, kaya nalulusutan sila. And instead of killing the idiots, sila ‘yung nagtuturuan.,” anang Pangulo.

Matatandaang iginiit ni Aquino na may lamang shabu ang nakapuslit na mga magnetic lifter subalit kinontra ito ni Lapena at sinabing walang lamang shabu.

Dahil dito, inimbestigahan ng Senado at Kongreso ang isyu ng nakapuslit na shabu at ipinatawag ang mga opisyal ng dalawang ahensiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?