9

Aug 31, 2020 @ 18:08
By

Duterte kay Sulu Gov. Tan: Tumulong ka para sa kapayapaan sa Mindanao

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sulu Governor Abdu Sakur Tan na tumulong sa kanyang natitirang panahon sa termino para isulong ang kapayapaan sa Mindanao.

Sa harap na rin ito ng naganap na kambal na pagpapasabog sa Jolo noong August 24 na nagresulta sa pagkamatay ng ilang miyembro ng militar at mga sibilyan at pagkasugat ng maraming iba pa.

Sa kanyang talumpati nitong Linggo ng hapon, sinabi ng Pangulo na makulay ang buhay ni Tan at sa dami ng pinagdaanan nitong pagsubok ay nananatiling matatag sa Sulu.

“Why don’t you try to help me within the next few months last term just to talk about peace? It need not really be an arrangement,just talk about peace,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na may dalawang taong natitira pa sa kanyang termino at hindi sigurado kung ano ang magagawa sa problema ng karahasan at terorismo sa rehiyon.

Bagamat nag-uusap aniya ang gobyerno at mga local rebel sa Mindanao, pumasok ang Al Qaeda na walang ginawa kundi maghasik ng kaguluhan at terorismo sa mga inosenteng sibilyan.

“Hindi ko maabot kung paano ito diskartehin. Time and again peace process, mag-usap tayo , then here comes Al Qaeda na walang ginawa kundi pumatay ng tao, inosente man o hindi ,” dagdag ng Pangulo.

Malalim aniya ang sugat sa puso ng mga taga-Mindanao kaya hangad niyang isa sa mga anak nito ay maging pulitiko sa lugar para magawan ng remedyo ang hidwaan sa pagitan ng mga Moro at Kristiyano.

“I hope that anyone of my children would become a politician maski barangay captain kang he’d be able also to do something about this problem of the Moro and the Christians,” wika pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?