314

Jul 17, 2021 @ 19:28
By

Duterte kay Pimentel: PDP-Laban nagising ng dahil sa ‘kin!

Ipinamukha ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Koko Pimentel na nagkaroon lamang ng buhay ang PDP-Laban nang tumakbo ito sa pagka-presidente sa ilalim ng partido.

Sa kanyang talumpati sa national assembly ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga, sinabi ng pangulo na natutulog ng ilang daang taon ang partido at nagising lamang nang tumakbo ito sa pagka-pangulo.

Si Senador Pimentel aniya ang nagmamando sa mga gustong mangyari sa partido gaya na lamang sa ginawang pagtalaga kay Senador Manny Pacquiao bilang acting president ng PDP-Laban.

“May I just remind Koko na itong party ng PDP was asleep for a hundred years. It only woke up during the election and when I ran for the presidency under the ticket,” anang pangulo.

Hindi aniya maaaring basta na lamang ituro kung sino ang gustong maging presidente batay sa desisyon lamang ng iisang tao.

Sinabi ng pangulo na si Pimentel ang nagkamali at hindi si Pacquiao dahil wala itong alam sa lahat at hindi naman aniya ito nagbabasa.

“Ang nagkamali diyan si Koko, hindi si Pacquiao. Pacquiao does not know anything. Kung ano sabihin –totoo–kung ano mang sabihin, hindi naman nagbabasa yan eh,” dagdag ng pangulo.

Si Pacquiao ang itinutulak ng grupo ni Pimentel na tumakbong presidente sa 2022 elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?