143

Oct 18, 2017 @ 17:14

Duterte kay Lucio Tan: Magbayad ka o tutuliin kita

Minamadali  na ni Pangulong  Rodrigo Duterte  ang business  tycoon na si Lucio Tan para  bayaran ang gobyerno sa malaking  pagkakautang  nito sa buwis.

Sa  kanyang  talumpati  sa  Federalism summit  sa Pili, Camarines Sur noong Martes  ng  hapon, sinabi ng  Pangulo na  wala  pa  ring  nakkokolekta  ang  gobyerno  mula sa  P6 bilyong pangakong  babayaran  ng  negosyante  mula sa  mga  hindi binayarang  tax  sa  paggamit  ng  runway ng  kanyang  mga  eroplano sa  Ninoy  Aquino International Airport.

Dahil dito, nagbanta  ang  Presidente  na  kapag  nagmatigas  ang  negosyante  na hindi magbayad sa  atraso sa  buwis  ay  tutuliin  na lang niya ito.

Sinabi  ni Pangulong  Duterte  na  kung  natakot  kay Tan ang  ilang  naging  opisyal  ng pamahalaan  dahil sa posibilidad  na  pondohan ang  destabilisasyon,  ibahin aniya  siya  dahil hindi siya  natatakot dito.

“Kaya — Lucio Tan, six billion, noon pa ‘yan. Walang kolekta-kolekta. Walang bayad-bayad. Kasi matakot na mag-enforce ang ano diyan, mayor o — kasi ‘pag ginalaw mo, gastusan ka raw ng destabilization.

Ako, ‘di mas mabuti mag-contribute siya doon. Kasi kung may maniwala pa na sundalo sa akin, sila — siya ang unahin ko. Either magbayad ka or tulo — tuluin kit — tuliin kita uli… Bayad,” ang  pahayag  ni Pangulong Duterte.

Matatandaang  noong  nakalipas  na  buwan ay nagpahayag  na  ng  kahandaan  ang  kumpanya  ng  negosyante  na  magbabayad  sa atraso sa  gobyerno matapos  magbigay  ng  sampung  araw  na  ultimatum si Pangulong  Duterte.

Ikinuwento  ni Pangulong  Duterte  na  noong  panahon ng  kampanya, ilang  araw  bago mag-eleksiyon ay  nag-alok ng  pondo si Tan subalit  tinanggihan niya  ito  dahil tiyak aniyang hihingi  ito ng  pabor sa  gobyerno kapalit  ng  alok na  salapi.

“Alam mo, two days before the election, Lucio Tan was in Davao City. He tried to have an audience with me to give me the money. Hindi ko tinanggap kasi alam ko balang araw, hihiritan kita. And all others,” ang kuwento  pa  ng  Pangulo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?