100

Oct 5, 2021 @ 15:39
By

Duterte kay Gordon: Isoli mo P86M kinuha sa SBMA

Ipinasosoli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P86 milyon na kinuha umano ni Senador Richard Gordon mula sa pondo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na final and executory na ang desisyon ng Korte Suprema sa P146 million notice of disallowance ng Commission on Audit (COA) kay Gordon kaya dapat na kumilos na ang komisyon para maibalik ang pondo sa gobyerno.

Ang P86 milyon ay bahagi ng P146 milyon na dinis-allow ng COA sa kanilang audit report sa SBMA kung saan si Senador Gordon ang chairman noon ng ahensiya.

“Bayaran mo, marami ka namang pera diyan. Personal mo ‘yan eh, disallowance. Ibig sabihin ‘yung P86 million napunta ba sa kamay mo, hindi mo ‘yan ginastos ng husto sa gobyerno. Ginamit mo ang pera o ninakaw mo, isoli mo ‘yan, personal, hindi ‘yung property ng SBMA,” anang Pangulo.

Kapag aniya isinoli ni Gordon ang P86 milyon ay ibibigay ito kay vaccine czar Carlito Galvez para ibili ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Makakadagdag aniya ang P86 milyon na nasa senador pati ang P146 million para maibili ng bakuna lalo na at hindi sapat ang pondo ng gobyerno.

“Remember that iyang P86 million, nasa kamay ni Gordon. Saan niya inilagay? Sa aparador ba o sa bulsa niya o sa bangko? Ah, yan ang hindi natin alam,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na nagmamalinis si Gordon at gustong palitawin na kurakot ang ibang opisyal batay sa ginagawa nitong imbestigasyon sa kanyang Senate Blue Ribbon Committee.

“Nagmamalinis ka. That’s what I’m saying, you have practically painted everybody black because you want yourself to appear white. That is the problem, Gordon,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?