48

May 6, 2021 @ 13:03

Duterte kay Carpio: Gusto mo mag-debate tayo?

Hinamon ng debate ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.

Sa kanyang Talk to the People, muling tinalakan ng Pangulo si Carpio kaugnay sa naging desisyon nito na nagresulta sa pagkawala ng dalawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Bagamat nagsampa aniya sila ng kaso at nanalo sa arbitral tribunal, hindi naman ito maipatupad dahl hindi ito kinikilala ng China.

“Itong si Carpio naman, sulat ng sulat ng mga desisyon para sa kanyang utak lang. Isa ring ugok itong..Supreme Court justice pareho man tayong abogado. Gusto mo magdebate tayo? Mga dalawa, tatlong tanong lang ako. Sino ang nagpa-retreat at anong ginawa ninyo after the retreat?” anang Pangulo.

Maski aniya sinong abogado ang tanungin ay hindi maitatanggi ang nangyari na noong panahon nina Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario nawala sa Pilipinas ang dalawang teritoryo sa China.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kaya siya naiinis ay dahil ipinapasa sa kanya nina Carpio at del Rosario ang kasalanan nila sa bayan.

Kung mapapatunayan aniyang nagsisinungaling ito ay nakahanda siyang mag-resign .

“Maski sinong abogado tanungin nyo, ‘yan ang nangyari. Ngayon, kung ako yong nagsisinungaling, mag-resign ako bukas kaagad. Iyan ang garantiya ko sa inyo.” dagdag ng Pangulo. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?