14

Sep 8, 2020 @ 16:56
By

Duterte kay Bong Go: Umakto kang parang oposisyon

Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Bong Go na umaktong parang nasa oposisyon kung nais siyang tulungan sa mga ginagawang pagpapatakbo sa gobyerno.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na sa ganitong paraan ay malalaman nito kung mayroong mali o hindi tama sa kanyang mga ginagawang pangangasiwa sa bansa.

“Ang sabi ko kay Bong, ‘If you really want to help me, you act as if you are with the opposition.’ Huwag mong sabihin na kaibigan tayo, basta may mali, maski pati ako,” anang Pangulo.

Huwag aniyang mahihiya ang senador na sabihan siya kung inaakalang may mali sa kanyang ginagawa at kung inaakalang mapapahiya ito, maaaring ibigay sa ibang mambabatas para sila ang magsabi sa kanya.

Naniniwala si Pangulong Duterte na mas masisira ang kanyang administrasyon kung may nakikitang korapsiyon subalit hindi naitatama kaya mas mabuting sabihin ito sa kanya para agad na mapatigil ito.

“Ibulong mo lang doon sa ganito ang sitwasyon. Sila na ang mag-ano sa… they will open up everything for us. Mas lalong masira tayo kung we tolerate it eh. Iyan ang mahirap,” dagdag ng Pangulo.

Pinasalamatan ng Pangulo ang senador at hinahangaan aniya ang pagiging masipag nito dahil bukod sa trabaho sa Senado ay nagagawa pa rin siyang samahan sa mga lakad at aktibidad.

“Senator, I must admire you for your industry. Pasalamat kami. Just your presence here is just as good as anybody else’s watching over the oversight. I encourage oversight committees of projects,” wika pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?