36

Dec 17, 2020 @ 11:09
By

Duterte kampi sa Valenzuela mayor

Naiintindihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang galit ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at mga hakbang nito kaugnay sa malubhang trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX).

“Saan ka nakakita nu’ng nakikita ko sa TV? Gusto kong pumunta doon but in deference to Gatchalian, (hindi ko ginawa) kasi ang role ng traffic, sa NLEX. But sa siyudad mismo, the whole of the city, the control of the traffic is always left to the local government,” ani Duterte sa kanyang mensahe sa bayan na inere kagabi, Disyembre 16.

“So nandoon siya, si mayor, galit na galit, and I could understand his (anger) with all the conundrum taking place. Pati ako magagalit talaga, and I understand this burst of anger, which is justified para matauhan kayo,” sambit niya pa.

Naabala ang mga motorista nang ipatupad sa NLEX at iba pang tollway sa bansa ang radio frequency identification (RFID) system. Karaniwang reklamo ang palpak na sensor at kulang na impormasyon sa bagong sistema.

Dahil hindi nasolusyonan ang matinding trapiko sa tollway, sinuspinde ng alkalde ang business permit ng operator ng NLEX Corp. na Metro Pacific Tollways Corp.. Sa panahong ito, libreng nakadaan ang mga motorista sa NLEX.

Inalis ang suspensiyon noong Martes, matapos mangako ang pamunuan ng tollway na gagawan ng aksiyon ang trapiko sa lugar.

Hindi na bago ang RFID sa mga tollway, pero ngayon lang pinag-utos ng gobyerno ang malawakang paggamit nito para maiwasan ang human-to-human transaction at hindi na lalong kumalat ang COVID-19 sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?