125

Nov 30, 2017 @ 10:58
By

Duterte: Ituloy natin ang laban ni Gat Andres Bonifacio

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sambayanan na ituloy ang labang sinimulan ni Gat Andres Bonifacio para makawala ang bansa sa kuko ng katiwalian, kriminalidad at illegal na droga.

Sa kanyang mensahe sa selebrasyon ng Bonifacio Day, binigyang-diin ng Pangulo na si Andres Bonifacio ang nagpasiklab ng himagsikang naging daan para makalaya ang mamamayan sa kamay ng mga mananakop.

Tungkulin aniya ng bawat Filipino na isabuhay ang nasimulan ni Bonifacio at isaisip ang pagmamahal sa bayan.

Mahalaga rin aniyang makalaya sa mga nakaambang takot at karahasan para makamit ang minimithing pag-unlad at isang Progresibong Pilipinas.

“Sa araw na ito, binibigyang pugay natin si Gat Andres Bonifacio, ang ama ng himagsikan.

Si Andres Bonifacio ang nagpasiklab ng himagsikang nagbigay daan sa pagkakatatag ng ating bayan at pagpapalaya sa ating mamamayan. Bilang mga tagapagmana ng kanyang rebolusyon, tungkulin natin na bigyang buhay ang kanyang mga adhikain at himukin ang pagsibol ng pangkalahatang kamalayan at pagmamahal sa bayan.

Sa panahong nakataya ang kinabukasan ng ating bansa, tayong lahat ay inaasahang maging masigasig sa pagpapatatag ng ating bansa. Ituloy natin ang laban upang makawala tayo sa kuko ng katiwalian, kriminalidad at illegal na droga; makalaya sa banta ng takot at karahasan; at mapangalagaan ang ating mga mithiin, kaugalian at pamumuhay,” ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?