33

Jan 5, 2022 @ 9:10
By

Duterte inawat mga Katoliko sa traslacion, misa ng Nazareno

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahang Katolika at sa mga deboto na kanselahin muna ang tradisyunal na Traslacion at misa para sa itim na Nazareno dahil sa tumataas na kontaminasyon ng COVID-19 sa bansa dahil sa Omicron variant.

Sa kanyang Talk to the People, nakiusap ang Pangulo sa mga Katoliko na wala munang prusisyon para hindi magkahawa-hawa ang mga deboto.

Batid ng Presidente na milyon-milyong deboto ang dumadagsa tuwing panahon ng Traslacion, pero sa pagkakataong ito aniya ay wala munang aktibidad para masiguro ang kaligtasan ng mga tao laban sa mabagsik na virus.

“Kung nakinig ang Roman Catholic Church, I am now appealing to you to forgo and cancel all physical gatherings including the procession and the celebration of mass sa church because marami ‘yan sila,” anang Pangulo.

Umaasa si Pangulong Duterte na maintindihan siya ng Simbahang Katolika dahil ang iniiwasan aniya ng gobyerno ay ang mabilis na pagkalat ng Omicron virus na siya ngayong nananalasa sa bansa.

“There are millions of devotees there. And you cannot just be complacent about the transmission of the disease. Sana maintindihan ako ng Roman Catholic that all gatherings are not allowed,” dagdag ng Pangulo.

Bukod sa Traslacion na ipinagdiriwang tuwing January 9 ay iminungkahi ng ekspertong si Dr John Wong sa Pangulo na kanselahin din ang iba pang aktibidad na pinaniniwalaang superspreader events gaya ng Sto. Niño celebration (January 16) at Chinese New Year na ipinagdiriwang tuwing February 1.

Sinabi ni Pangulong Duterte na magpapadala ang Malacañang ng sulat sa mga pinuno ng Simbahan para gawing pormal ang kahilingan ng gobyerno na ikansela muna ang mga tradisyunal na aktibidad ng Simbahang Katolika para sa kaligtasan ng mga deboto.

“We will — siguro send somebody to bring the letter, a formal letter, but I know — in advance I apologize for this but I have to do it because I have to do it. Wala akong magawa. That is the advice from you and this government and all doctors actually I suppose,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?