39

Dec 1, 2020 @ 10:07
By

Duterte inakusahang ‘komunista’ ang Makabayan

Tinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nire-red-tag ng gobyerno ang mga grupo sa Makabayan bloc, pero sinabi niyang sinusuportahan niya ang alegasyon ng militar na miyembro ang mga ito ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Itong mga legal fronts ng komunista, lahat ‘yan Makabayan, Bayan, they are all legal fronts, Gabriela. We are not red-tagging you. We are identifying you as members in a grand conspiracy comprising all the legal fronts that you have organized headed by NDF (National Democratic Front) tapos ‘yung — sagol ang New People’s Army, NDF at Communist Party of the Philippines,” wika ni Duterte sa kanyang televised address kagabi.

“They are accusing red-tagging you. No, the Armed Forces of the Philippines is very correct. You are being identified as the members of the communist,” giit niya pa.

Sabi ng Pangulo, hindi na raw lumalaban para sa ideology ang mga komunista pero para na lang daw mang-araw ng kapangyarihan.

“There is no longer any ideology. Wala itong mga komunista wala nang ideo… They do — gusto lang nila umagaw ng gobyerno. Mga bobo naman ang putangina,” aniya pa.

Binatikos din ni Duterte sina CPP founding chairman at NDF chief political consultant Jose Maria Sison, na naging propesor niya sa kolehiyo, at si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na parte ng Makabayan bloc sa Kamara.

“Sinong mga bright? Si Sison? Iyon ‘yung bright si Sison? Susmaryosep! Iharap mo si Sison sa akin, mag-debate kami,” ani Duterte.

“’Yang si Zarate, si — lahat kayo. Kita mo tapos abugado ng… Susmaryosep. Alam mo sabihin ko, nangangailangan ka ng pera. That’s the only reason. Komunista ka to defend an oligarch. ‘Di ka naman summa cum laude. Pareho naman tayo pumasa ng bar. Kung magsalita ka, you make it appear that we are milking the government of… It’s you.”

“Alam mo sa totoo, Zarate, ‘pag nakikita kita sa TV para akong nakakita ng tae ng iro. Para akong nakakita ng tae ng aso, sa totoo lang,” bulalas niya pa.

Ilang beses nang pinabulaanan ng Makabayan bloc na kasapi sila ng CPP, na limang dekada nang nagsasagawa ng armadong pakikibaka laban sa gobyerno ng bansa.

12 organisasyon ang nasa ilalim ng Makabayan bloc: Bayan Muna, ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Katribu, Migrante, Akap-Bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?