31

Jul 26, 2021 @ 12:32
By

Duterte ibibida 5 taong accomplishment sa huling SONA

Inaasahang maririnig sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng nakalipas na limang taon.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque ilang oras bago ang nakatakdang SONA ng Presidente.

Ayon sa kalihim, ilalatag din ng Pangulo ang kanyang mga gagawin sa huling natitirang 11 buwan ng kanyang termino para sa mga Pilipino.

“Isa-summarize nya yung mga naging accomplishments ng gobyerno sa nakalipas na limang taon at kung ano pa yung kanyang roadmap para sa huling taon na natitira pa,” ani Roque.

Marami aniyang mga nagawa ang administrasyon na pinakikinabangan na ng maraming Pilipino at bahagi lamang ito ng babanggitin ng Presidente sa kanyang SONA.

“Inaasahan po natin na iisa-isahin ng Presidente ang kanyang mga nagawa na, nandiyan na yung pag-implement ng universal health care, libreng pagamot na meron na po tayong 109 milyong mga Pilipinong nakikinabang,” dagdag ni Roque.

Kasama aniya sa babanggitin ang ginagawang pagtugon sa COVID pandemic at kung nasaan na ang gobyerno sa paglaban sa COVID-19.

“Yung nagawa natin sa COVID, nandiyan po yung halos 17 million na ating nabakunahan at halos 13 million na naangkat na bakuna,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?