109

Jun 19, 2019 @ 15:46
By

Duterte humirit ng palugit sa ieendorsong Speaker

Mayroong hanggang Hunyo 28 si Pangulong Rodrigo Duterte para magpasya kung sino ang ieendorso nitong House Speaker ng Kamara.

Inihayag ito ni Senator-elect Bong Go sa isang ambush interview kaugnay sa naging mensahe ng Pangulo sa dinner ng mga neophyte congressman na ginanap sa Malago Clubhouse sa Malacañang noong Martes ng gabi.

Ayon kay Go, humiling ang Pangulo ng hanggang Hunyo 28 sa mga bisitang congressman para makapagpasya kung sino ang posibleng iendorso nito na maging lider ng Kamara para sa 18th Congress.

Sinabi ni Go na ayaw ni Pangulong Duterte na siya ang pipili ng susunod na House Speaker dahil lahat naman aniya ng kandidato ay magagaling at kuwalipikadong subalit bumabalik sa kanya ang mga kongresista para siya ang magdesisyon.

Ang dinner na dinaluhan ng Presidente para sa mga bagong kongresista ay hindi kasama sa official schedule nito.

Kabilang ang anak ng Pangulo na si Congressman-elect Paolo Duterte sa mga dumalo sa dinner.

Limang kongresista ang nagpahayag ng interes na maging susunod na Speaker kabilang dito sina Congressmen Alan Peter Cayetano, Martin Romualdez, Lord Allan Velasco, Pantaleon Alvarez at Aurelio Gonzales.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?