64

Feb 24, 2021 @ 10:24
By

Duterte: Hindi tatakbo si Sara!

Tinapat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga humihimok sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagkapresidente sa 2022 elections.

Sa kanyang pagbisita sa Tandag, Surigao del Sur, agad na sinagot ng Pangulo ang kahilingan ni Governor Alexander Pimentel matapos hilingin na patakbuhin si Mayor Sara para maipagpatuloy ang mga nasimulan ng kanyang administrasyon.

Sa ginanap na situational briefing, sinabi ng Pangulo na hindi tatakbo si Carpio dahil matindi ang pulitika sa Pilipinas.

Naaawa aniya siya sa kanyang anak kung sakaling mag-Presidente ito dahil pagdadaanan nito ang mga karanasang dinaranas ngayon laban sa mga kritiko.

“Inday Sara is not running. I have really, really put my foot down. Naaawa ako sa anak ko. Ang pulitika dito sa [Pilipinas], kababuyan, lalo na si Trillanes,” anang Pangulo.

Pinanindigan ng Pangulo ang kanyang desisyon na huwag patakbuhin si Mayor Sara dahil sa kanyang palagay, “hindi pambabae” ang pagiging presidente.

Pero sa kabila ng pag-ayaw ng Pangulo na sumunod sa yapak niya ang panganak na anak, dumarami ang mga sektor na humihimok sa alkalde na tumakbo sa pagka-presidente.

Patunay dito ang mga nagkalat na tarpaulin sa Metro Manila, Cebu at Davao na humihimok sa alkalde na tumakbo sa nasabing posisyon sa 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?