37

Jul 7, 2021 @ 17:42
By

Duterte hindi puwedeng palusot sa P6.6B plunder – Trillanes

Hindi umano maaaring makalusot o makabola sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go sa P6.6 bilyong isyu ng plunder, ayon kay dating senador Antonio Trillanes IV.

Sabi ni Trillanes, maliwanag umano sa dokumento mula sa Commission on Audit (COA) na binigyan ni Duterte ang pamilya ni Go ng 184 proyekto na nagkakahalagang P6.6 bilyon.

“Hindi kayang daanin sa palusot o bola ang kasong ito. Maliwanag ang mga dokumento from COA na binigyan ni Duterte ang pamilya ni Bong Go ng 184 projects amounting to 6.6 billion pesos. Plunder ‘yan. Bistadong muli ang pangungurakot nila,” sabi ni Trillanes sa isang statement.

Ginawa ni Trillanes ang tugon kasunod ng naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes na gusto lang nina Trillanes at Senador Manny Pacquiao na magkaroon ng kapangyarihan.

“Si Trillanes pareho ni Pacquiao ‘yan,” wika ni Duterte sa televised public address.

“They want to, you know, hold power because they must have — may nakita siguro silang magandang oportunidad nila para sa kanila,” sabi ni Duterte noong Martes ng gabi.

Nauna nang inakusahan ni Trillanes sina Duterte at Go ng plunder na nagkakahalaga ng P6.6 bilyon dahil sa mga government contract na nakuha ng mga construction firm na pagmamay-ari ng ama at half-brother ng senador.

Nauna nang pinabulaanan ni Go, dating presidential assistant ni Duterte, ang paratang ni Trillanes sa kanila.

“Panis na isyu itong pinapalabas ni Trillanes. Wala na bang bago? Katunayan, noong Setyembre 2018 pa, hindi pa ako senador, ay sinagot ko na ito at hinamon ko pa nga si Trillanes na imbestigahan niya at magsampa siya ng kaso,” sabi ni Go sa isang statement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?