By

Duterte hindi puwedeng mag-jet ski sa WPS – Lacson

Sharing is caring!

Kinontra ni Senador Panfilo Lacson ang mga taga-oposisyon na nangangantiyaw na sa West Philippine Sea (WPS) pumunta si Pangulong Rodrigo Duterte sa halip na sa Philippine Rise (Benham Rise) kung saan wala namang nakikipag-agawan at walang militarisasyon ang China.

Sinabi ni Lacson na hindi maaaring basta bisitahin ng Pangulo ang WPS dahil meron na roong mga istruktura at malakas na ang presensiya ng China.

Ang pagtuntong doon ng Pangulo ay maaari umanong ituring na paghahamon o provocation na hindi naman mapaninindigan ng bansa kapag kinasahan ng China dahil wala tayong kakayanan na makipaggiyera.

“Kasi may structure siya roon. Makipaggiyera tayo. Ang tanong, kaya ba natin makipaggiyera?” ani Lacson.

Bukod dito, idiniin ni Lacson na hindi sa pagdye-jet ski sa WPS maigigiit ang pagmamay-ari roon ng Pilipinas.

Biro rin lang aniya ng Pangulo nu’ng sinabi nito sa presidential debates na magdye-jet ski ito roon.

Ang kailangan umano rito ay ang paghahanap ng Pilipinas ng kakampi at ang pagpapainit ng international pressure para lubayan ng China ang WPS.

Pinuri naman ni Lacson ang pagpunta ng Pangulo sa Philippine Rise dahil simboliko itong mensahe ng pag-aangkin dito ng Pilipinas.

Paghahanda na raw ito kontra sa maaaring maging panghihimasok ng ibang bansa sa hinaharap.

“So mas maganda symbolically nagpunta siya roon to assert sovereignty issue na talagang sa atin. Di natin ma-foresee baka mamaya meron din mga intrusion. So mainam ginawa ‘yang ganoon,” dagdag ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?