99
Duterte hindi nakadalo sa PDP-Laban campaign rally sa Marawi
Apr 12, 2019 @ 18:31
By

Duterte hindi nakadalo sa PDP-Laban campaign rally sa Marawi

Hindi sinipot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang campaign rally ng PDP-Laban sa Marawi City nitong Biyernes.

Alas- tres ng hapon ang nakalagay sa official schedule subalit makalipas ang tatlong oras ay ipinaabot na hindi na tutuloy ang Presidente.

Wala namang ibinigay na dahilan ang Malacañang sa hindi pagsipot ng Presidente sa kampanya ng mga kandidato ng administrasyon sa Marawi City.

Sa isang panayam kay senatorial candidate Francis Tolentino, wala siyang ideya kung bakit hindi tumuloy ang Pangulo sa nabanggit ng lungsod.

Magkasama aniya sila sa Bacolod City noong Huwebes ng gabi at maayos naman ang kondisyon nito, patunay aniya ang madami nilang kinaing lechon sa late na hapunan.

“Hindi ko alam ‘yung reason kasi magkasama pa kami sa Bacolod. Pero medyo late na ‘yun eh. Hindi ko alam kung anong nangyari. So nothing to worry about. Usual naman ‘yun eh. Dalawang beses nang nangyari ‘yun. Meron nang isang previous event. Ang dami pa naming kinaing lechon,” ani Tolentino.

Sinabi ng dating kalihim na malakas ang ulan sa Bacolod noong Huwebes ng gabi at lahat sila ay nabasa pero hindi niya alam kung ito ang dahilan ng hindi pagtuloy ni Pangulong Duterte sa Marawi.

Sinabi ni Tolentino na magkikita muli sila ng Pangulo ngayong araw ng Sabado sa Bukidnon para sa kampanya pa rin ng mga kandidato ng administrasyon.

Samantala, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, masama ang panahon at hindi  magandang bumiyahe patungong Marawi kaya kinansela ng Pangulo ang pagpunta sa lugar at minabuting magpahinga na lang ito sa kanyang bahay sa Davao City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?