262

By

Duterte hindi magbabayad sa Maynilad, Manila Water

Inihayag ng Malacañang nitong Huwebes na hindi magbabayad ang gobyerno sa Maynilad at Manila Water sa kabila ng utos ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore.

Giit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi susunod ang gobyerno sa desisyon ng international tribunal dahil ang concession agreements sa dalawang water concessionaire ay “onerous”.

“Hindi. Kasi onerous nga ‘yung kontrata. Masyadong disadvantageous sa gobyerno,” wika ni Panelo sa radio interview.

Batay sa concession agreements ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Maynilad at Manila Water, bawal makialam ang gobyerno sa rate-setting.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang naturang probisyon ang rason kung bakit pinagbabayad ang gobyerno sa Maynilad ng P3.6 billion habang P7.4 billion naman sa Manila Water bilang kabayaran sa nawalang kita ng dalawang water company matapos hindi payagan ng pamahalaan na magtaas ng singil.

“Mayroong mga tinatawag na kontratang labag sa public policy. Kapag iyan napatunayan ng hukuman, iyan ay ina-annul, nire-rescind,” sabi naman ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?