32

By

Duterte hindi isisikreto sa publiko kung may malubhang sakit – Panelo

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang magsasabi sa publiko kapag mayroon itong malalang sakit.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng kumalat na ulat na inatake umano ang Pangulo at isinugod ito sa Cardinal Santos Hospital.

Ayon kay Panelo, tsismis lamang ang kumalat noong Linggo pero dahil maraming nagtatanong ay naglabas na lamang ang Malacañang ng opisyal na pahayag para matigil na ang mga haka-haka.

Nakausap aniya nito ang Pangulo at masigla ang boses nito na indikasyong walang dinaramdam.

“It’s not a serious matter. Kasi kung serious ‘yun he always tell the public about it. It started as a tsismis eh di pinabayaan na lang. Kaya lang since marami ang nagtatanong sa inyo, I had to issue a formal statement as per request of most of you,” ani Panelo.

Magkagayunman, nagpasalamat pa rin si Panelo sa pag-aalala ng mga tao kahit na tsismis ang kumalat na isinugod ito sa pagamutan dahil sa atake sa puso.

Sinabi ng kalihim na sa kasalukuyan ay nasa Bahay Pagbabago ang Presidente at abala sa pagbabasa at pagpirma ng mga dokumento.

Kasama aniya ng Pangulo ang partner na si Honeylet Avancena sa Bahay Pagbabago.

Huling nakita ang Pangulo noong Mayo 13, 2019 sa Davao City matapos itong bumoto sa katatapos na midterm elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?