54

By

Duterte, hindi ‘biased’ sa kababaihan – Roque

Sharing is caring!

Sinalag ng Malacañang ang banat ng grupo ng kababaihan sa pagiging “biased” umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kababaihan.

Kasunod na rin ito ng naging pahayag ng Presidente na hindi ito magtatalaga ng babae o kaya’y pulitiko sa mababakanteng puwesto sa Ombudsman at maging sa Korte Suprema.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kung “biased” ang Pangulo ay hindi sana ito nagtalaga ng mga babaeng miyembro sa gabinete.

Katunayan aniya ay tatlong kababaihan ang kamakailan lamang ay itinalaga nito sa tatlong departamento ng gobyerno kaya walang basehan ang akusasyon ng grupong Gabriela.

“Well, sa akin simple lang po ‘no. Nagkaroon po ng tatlong appointment recently ang Presidente lahat po babae — iyong ating acting secretary ngayon po ng DSWD, iyong ating Comelec Commissioner Justice Inting, at saka ang ating Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, lahat po iyan ay kababaihan.

“Malinaw po na iyong mga naa-appoint po niya nitong mga nakalipas na araw puro kababaihan. So meaning, wala pong bias si Presidente laban sa kababaihan,” ani Roque.

Kung mayroon aniyang kuwalipikadong aplikante para maging susunod na Chief Justice, sinabi ni Roque na posibleng maikonsidera ito dahil ang Judicial and Bar Council ang magno-nominate nito sa Pangulo.

Kaugnay naman sa pahayag ng Pangulo na ayaw nitong magtalaga ng politiko sa Ombudsman, sinabi ni Roque na iniiwasan lamang nito na may naaareglong kaso o kaya naman ay napapaboran dahil sa utang na loob.

“Kaya ayaw niya ng politiko sa Ombudsman, kasi gusto niya ipatupad lang iyong batas ‘no, ayaw niya iyong maraming utang na loob, ayaw niyang naaareglo, iyong mga ganoon ‘no. So sa akin po tama din naman iyong tact niya na iyon na huwag magtalaga ng politiko bilang Ombudsman,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?