62

Nov 23, 2018 @ 15:20
By

Duterte: Hindi ako magdedeklara ng Martial Law

Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Martial Law sa buong bansa.

Inihayag ito ng Pangulo sa harap ng nalalapit na pagtatapos ng Martial Law extension sa Mindanao Region ngayong Disyembre 31, 2018.

Sa kanyang talumpati sa ika-35th founding anniversary ng Philippine Army Reserve Command sa Camp General Mariano Riego de Dios sa Tanza, Cavite, sinabi ng Pangulo na hindi na kailangan ang Martial Law kung puwede namang hulihin ang gumagawa ng batas.

“Iyang Martial Law, Martial Law. Hindi ako mag-declare ng Martial Law. Bakit ako mag-declare ng Martial Law. Puwede man kitang hulihin. Puwede nga kitang patayin eh. Kung ayaw mo talagang maghinto, eh ‘di… Ayaw mo? O sige. Ganun lang man ‘yan. Eh Martial Law, Martial Law,” ani Duterte.

Wala rin aniya siyang intensiyong manatili sa kapangyarihan at binilinan pa ang mga sundalo na hulihin siya at i-firing squad kapag sumobra ito ng isang oras pagkatapos ng kanyang termino.

Naunang inihayag ng Presidente na isang araw bago magtapos ang kanyang termino ay bakante na ang kanyang opisina at hindi na rin nito kailangan pa ang turnover ceremony para sa susunod na mamumuno ng bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?