199

By

Duterte gusto nang buksan ang Sangley airport sa Nobyembre

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabuksan na sa buwan ng Nobyembre ang Sangley airport sa Cavite para sa lahat ng domestic flights.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagmamadali ang Pangulo at hindi mahintay ang buwan ng Disyembre na siyang target para sa paggamit ng Sangley Airport.

Gayunman, nakasalalay aniya kay Transportation Secretary Arthur Tugade kung kailan bubuksan ang bagong alternatibong airport para sa domestic flights.

“Kasi parang ang target date niyan December. Ang sabi naman ni Presidente, ‘Masyadong matagal ‘yan, November na lang.’ Parang wala akong narinig na response ni Secretary Tugade,” ani Panelo.

Nais aniya ni Pangulong Duterte na maayos ang lahat pati na ang trapik sa EDSA kaya’t nagmamadali ito na mailarga agad ang paggamit sa Sangley Point Airport.

“Kasi he’s in a hurry. He wants to fix all these things. He wants to have a solution to the traffic in EDSA. Nagmamadali siya eh. Kakayanin siguro iyon kaya… knowing Secretary Art,” dagdag pa ni Panelo.

Matatandaang personal na inalam ni Pangulong Duterte ang sitwasyon ng pambansang paliparan noong Lunes ng madaling-araw matapos makatanggap ng ulat na maraming flights ang na-delay at nakansela dahil sa matinding kulog at kidlat noong Linggo, bukod pa sa masikip ang runway dahil sa dami ng mga eroplanong gumagamit nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?