2,162

Nov 17, 2021 @ 17:45
By

Duterte gumalaw na vs Marcos Jr.

Kumilos na si Pangulong Rodrigo Duterte laban kay dating Sen. Ferdinand Marcos Jr., na makakalaban ng kanyang kaibigang si Sen. Christopher ‘Bong’ Go sa pararating na presidential elections.

Kinumpirma ni DIWA Rep. Michael Aglipay na pumunta sa Malacañang ang may 95 kongresista noong Martes ng gabi para sa isang dinner. Doon umano inendorso ang tambalan ni Go at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.

Nagsimula umano ang aktibidad alas-7:15 ng gabi at natapos 9:30 ng gabi.

Dumalo sa hapunan ang mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC), PDP-Laban, National Unity Party (NUP), Nacionalista Party (NP) at Visayan bloc.

“Lahat ng umattend dun is for Bong Go-Sara tandem,” sabi ni Aglipay.

Sinabi ni Aglipay na mayroon siyang nakitang isang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats sa dinner pero tumanggi na itong pangalanan.

“Ayoko nang sabihin baka mapagalitan siya,” sabi ng solon.

Kinumpirma ni Aglipay na wala sa event si House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Si Romualdez ang pangulo ng Lakas-CMD at pinsan ni Marcos.

Nang tanungin kung bakit hindi inimbita si Romualdez, sinabi ni Aglipay na hindi nito alam kung papaano pinili ang mga guest.

“Hindi ko alam hindi naman ako privy kung pano ginawa yung invite, who to invite whom not to invite but definitely nag-coordinate yung Speaker’s Office at yung Malacañang on this,” sabi ni Aglipay.

Kagabi ay naglabas ng video ang vice presidential candidate na si Carpio sa kanyang social media account at kinumpirma ang alyansa nito kay Marcos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?