24

Jan 11, 2022 @ 11:04
By

Duterte: Gobyerno tuloy ang trabaho kahit maraming may COVID

Hindi maaaring matigil ang trabaho sa gobyerno kahit pa marami ang tinatamaan ng COVID-19 sa iba’t ibang ahensiya at mga opisina ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People nitong Lunes ng gabi sa harap ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Ayon sa Pangulo, kung pagbawalan ang lahat na magtrabaho, titigil ang makinarya ng gobyerno at walang magseserbisyo sa mga tao.

“If bawalan mo lahat magtrabaho, then the machinery of government will stop to grind. Then sino ngayon ang –what is the face of the government at this time? Somebody has to communicate to the people what government is doing,” anang Pangulo.

Matatandaang naglabas ng memorandum circular ang Office of the Executive Secretary para sa pansamantalang suspensyon ng pasok sa isang tanggapan kung maraming mga empleyado ang tinamaan ng COVID-19, at gawing option ang work from home set-up.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi maaaring iwanan ang trabaho sa gobyerno kaya kung makompromiso ang kanyang kalusugan ay wala itong magagawa.

Mayroon aniya siyang mandato sa mga tao na kailangang tuparin at kung minalas siyang matamaan ng COVID-19 at mamamatay ay wala itong magagawa.

“Now, kung ma-compromise tayo,that’s part of the game. Iyan ang trabaho namin. Ngayon kung magka-COVID kami, then so be it. Kasali sa trabaho yan eh. Now kung mamatay ako, and then so be it,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?