155

By

Duterte gigil sa isang judge sa Maynila

Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkainis sa isang judge sa Maynila na nagpapalusot umano ng kaso ng droga.

Sa kanyang pagsasalita sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na binabantayan na ang hindi pinangalanang judge matapos maimbestigahan ng Korte Suprema.

Sa mahigit 1,000 kaso ng iligal na droga na hawak ng judge ay wala aniya ni isang naparusahan o sinentensiyahan nito.

Napamura ang Pangulo sa gigil sa judge at sakali aniyang makasabay niya ito sa eroplano ay bubuksan ang exit o bubutasan ang eroplano para sabay silang higupin palabas.

“May isang judge dito sa Maynila, 1,000 cases, ni wala isang conviction. P***** i** itong jugde na ito. Napakawalang-hiya. Eh naimbestiga siya ng Supreme Court. Huwag ka gyung — ‘pag magsabay tayo ng eroplano, judge, bantay ka. Butasan ko talaga ang eroplano. Sabay tayo sa impiyerno. ‘Pag hindi, masuya ako, buksan ko ‘yung exit para higupin tayo lahat. Diyan ako galit. Hindi ako galit diyan sa ano,” anang Pangulo.

Muling nagbabala ang Pangulo sa mga bisita na karamihan ay mga lokal na opisyal na huwag pumasok sa illegal drug trade dahil tiyak aniya na hindi niya palulusutin ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?