118

Aug 3, 2021 @ 16:02
By

‘Duterte for VP’ tinutulan ni ex-Speaker Alvarez

Hindi pabor si dating Speaker Pantaleon Alvarez na tumakbo sa pagka-bise presidente si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 elections.

Inamin naman ni Alvarez na hindi ito sigurado kung seryoso si Duterte sa kanyang sinabi na tatakbo ito sa darating na halalan.

“Mahirap tantsahin dahil mahirap basahin si Presidente pero sa akin, bilang isang kaibigan, sana hindi na,” sabi ni Alvarez.

Maituturing na umanong kampeon si Duterte ng manalo ito noong 2016 presidential elections at maganda kung magreretiro itong kampeon.

“Champion ka na eh. Bakit ka pa susugal sa isang eleksyon?…. Kapag eleksyon, hindi tayo makasiguro, ‘yung pagkapanalo ba mahirap siguruhin yun. So kung ikaw champion ka na maganda kung you’ll retire as champion,” dagdag pa ni Alvarez.

Si Alvarez ang Speaker ng Kamara de Representantes sa unang bahagi ng panunungkulan ni Duterte. Pinalitan ito ni dating Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa kalagitnaan ng kanyang termino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?