7

May 4, 2021 @ 10:14
By

Duterte: Duque ‘hero’ laban sa COVID!

Maayos ang pangangasiwa at pagtugon ng gobyerno sa epekto ng COVID pandemic kumpara sa ibang mga bansa.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang regular na mensahe sa bayan sa harap ng patuloy na pagkilos ng gobyerno para labanan ang COVID-19.

Ini-report ni  Health Secretary Francisco Duque III sa Presidente ang sitwasyon ng bansa sa paglaban sa COVID-19 at ibinigay ang mga datos ng mga tinamaan ng kontaminasyon, kasama na ang mga naka-recover sa mabagsik na virus.

Kuntento ang Pangulo sa report ni Duque at tinawag niya itong ‘hero’ o bayani sa laban ng gobyerno sa COVID pandemic.

“Baka masabi nyo tinatakot ko kayo. But compared with other countries, which is not really the time to make comparisons, but we’re doing good in the fight against COVID and Secretary Duque is the hero here,” anang Pangulo.

Pinayuhan rin ng Presidente ang publiko na tingnan ang mga datos hindi lamang sa dami ng mga nagkakasakit kundi pagtutunan din ang dami ng mga gumagaling sa COVID-19.

“Gusto kong sabihin sa ating mga kababayan. When you try to figure out the actual numbers of the COVID cases, yong na-contaminate, recovering tapos nakalabas na, kindly pag-aralan ninyo kung ilan ang nagkasakit at ilan ang gumaling,” dagdag ng Pangulo.

Hindi kaila sa Presidente na ginagamit ng mga kritiko ang mga datos para banatan ang gobyerno at palitawing walang nagagawa ang gobyerno para labanan at tugunan ang problema sa COVID pandemic.

Batay sa report ni Duque sa Presidente, bumababa na ang COVID cases na karamihan ay naitala sa National Capital Region (NCR) , Regions IV-A at Region III. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?