235

May 6, 2021 @ 17:00
By

Duterte dunung-dunungan, tapang-tapangan sa WPS issue – Magdalo

Dapat umanong mayroong magpayo kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang pagdudunung-dunungan at pagtatapang-tapangan nito sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Magdalo Rep. Manuel Cabochan III hindi nakatutulong ang mga pahayag ni Duterte upang mabawi ang mga teritoryo ng bansa na inookupa ng China.

“Wala bang mag-a-advise sa Presidente na huwag na magdunung-dunungan at magtapang-tapangan sa issue ng West Philippine Sea? Patalo naman ang tindig niya dito kaya hindi siya mananalo sa debate at hindi rin naman siya magre-resign,” sabi ni Cabochan.

Hinamon ni Duterte sa isang debate si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kaugnay ng WPS. Tinanggap ni Carpio ang hamon.

Hindi rin nagustuhan ni Cabochan ang pahayag ni Duterte na kapirasong papel na dapat ilagay sa basurahan ang desisyon ng arbitral tribunal kung saan nanalo ang Pilipinas laban sa China.

“Imbes na ipagtanggol ang ating karapatan at teritoryo ay nagiging abogado pa siya ng China,” dagdag pa ni Cabochan. “Duterte is out of his mind. The arbitration win of the Philippines is not just a piece of paper. It is a legal affirmation of what is ours; an affirmation that China’s claims are baseless and illegal.”

Ang pahayag umano ni Cabochan ay katulad ng sinabi ni Duterte noong 2019 na ang Konstitusyon ay kapirasong toilet paper.

“Nakakalimutan yata ng Pangulo na ang posisyon at kapangyarihan niya ay base sa ating Constitution, na minsan na rin niyang tinawag na papel lamang. That piece of paper demands him to defend our sovereignty. The paper that placed him in power is the same paper that can take him out if he continues to betray our nation. That is the same paper our Armed Forces upholds and defends,” punto ng solon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?