64

Oct 22, 2017 @ 15:49

Duterte ‘di hihingi ng tulong sa EU para sa Marawi

Pinanindigan ng gobyerno ang hindi paghingi ng tulong sa European Union (EU) ng anumang tulong para sa rehabilitasyon at pagbangon ng Marawi City.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar na mahigpit ang direktiba sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag lumapit at humingi ng tulong  para sa Bangon Marawi.

Marami aniyang mga non-government organizations sa EU pero nakikialam sa panloob na usapin ng isang bansa na isa sa pinaka-ayaw ng Presidente.

“Kung ano ang sinabi ng Pangulo eh iyon na yon. Kasi ang problema ho, marami kasing mga NGO, iyong mga anak ng Diyos doon sa Europe na pakiramdam nila  ay ayos lang na makialam sa  pulitika sa bansa natin, hindi naman tama iyon,” ang pahayag ni Andanar.

Pero bukas aniya ang gobyerno sa mga donasyon at tulong mula sa ibang bansa maliban sa EU kasabay ang pagtiyak na mapupunta ito sa tamang proyekto at hindi sa  buksa ng sinoman.

“Hindi natin tatanggihan ang donasyon, pero hindi din po tayo puwersahang humihingi ng donasyon. We will ensure na kung mayroon pong mga donasyon na ibibigay po iyong mga  good samaritans, ito po ay mapupunta sa tamang proyekto,”ang dagdag na pahayag ni Andanar.

May P5 bilyon pisong pondong magagamit ang Task Force Bangon Marawi na magagamit hanggang sa magtapos ang taon para maitayo ang mga temporary shelters ng mga evacuees. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?