14

Oct 12, 2021 @ 14:25
By

Duterte: COVID case bumaba dahil sa bakuna

Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang malawakang vaccination rollout laban sa COVID-19 ang nagpababa sa bilang ng COVID case sa bansa.

Ibinahagi ng Pangulo ang magandang balita sa kanyang Talk to the People kasunod ng tuloy-tuloy na pagbaba ng COVID case sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa at pagbagal ng hawaan nito batay sa report sa kanya ng mga eksperto.

Ayon sa Pangulo, dahil marami na ang nabakunahan ay kumonti ang nagkakasakit at nahawaan ng virus.

“Dahil sa bakuna bumaba talaga ang hawaan. So kakaunti ang hawaan kasi kakaunti naman yung tao na hindi nabakunahan. So yan ang magandang balita,” anang Pangulo.

Batay sa talaan ng Department of Health, nakapagtala ng 8,292 na bagong kaso noong Oktubre 11, na mas mababa kumpara sa mga nakalipas na linggo.

Dahil dito naniniwala si Pangulong Duterte na ang tanging solusyon para matalo ang COVID ay mabakunahan ang mayorya ng mga Pilipino.

Kapag aniya nagtuloy-tuloy ang mabilis na vaccination rollout, naniniwala si Pangulong Duterte na magiging maganda ang Pasko ng mga Pilipino.

Pero kailangan aniyang patuloy pa ring sundin ang paggamit ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing dahil malaking tulong ito para makaiwas sa peligro ng COVID.

“If we continue to ramp up the vaccination of our people, along with our consistent practice of mask, hugas at iwas, and the gradual resumption of our economic activities, then we can hope for a better and truly merry Christmas,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?