85
Duterte bumuo ng inter-agency council para sa kaayusan sa karagatan
Jul 4, 2019 @ 15:57
By

Duterte bumuo ng inter-agency council para sa kaayusan sa karagatan

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng isang Inter-Agency Council on the International Maritime Organization Member State Audit Scheme (IMSAS) para mapanatili ang kaayusan sa karagatan.

Sa inilabas na Executive Order No. 84 ng Malacañang, dapat matiyak na nasusunod ang mga maritime rules lalo na ang pagtiyak sa kaligtasan ng buhay sa karagatan, sertipikasyon and watchkeeping para sa mga marino, pag-iwas sa polusyon mula sa mga sasakyang pandagat, tamang sukat ng barko at pagtalima sa mga panuntunan para maiwasan ang banggaan sa karagatan.

Batay sa resolusyon ng International Maritime Organization noong 2013, dapat sinusunod ng member countries ang mga obligasyon at responsibilidad sa karagatan.

Ang IMSAS ay bubuuin ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) bilang chairperson, habang vice chairperson ang pinuno ng Maritime Industry Authority o Marina at magiging miyembro ang mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs, Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority at Cebu Port Authority.

Inoobliga ang DOTr na magsumite ng taunang report sa Office of the President kaugnay sa pagpapatupad sa kautusan ng Pangulo.

Nakatakdang sumailalim naman sa member state audit ng International Maritime Organization ang Pilipinas sa 2021 at kada pitong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?