26
rodrigo-duterte
By

Duterte, biyaheng South Korea sa Hunyo

Nakatakdang bumiyahe sa South Korea si Pangulong Rodrigo Duterte sa unang linggo ng Hunyo.

Kinumpirma ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ihayag ng gobyerno ng Korea ang tatlong araw na official visit ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Roque, masesentro sa kalakalan at kapakanan ng mga manggagawang Filipino sa South Korea ang pagbisita ng Presidente.

Tumanggi ang kalihim na ilahad ang iba pang detalye ng magiging biyahe ng Pangulo subalit nangakong sasabihin lahat ang agenda sa Lunes.

“Well ito ay tungkol sa kalakalan pa rin, saka iyong kapakanan noong ating mga manggagawa doon sa Korea,” ani Roque.

Matatandaang huling biyahe ng Pangulo ay sa Singapore noong nakalipas na buwan kung saan limitado ang bilang ng mga bitbit na gabinete nito at hindi ito gumamit ng chartered plane bagkus ay isang maliit na private jet ang sinakyan nito.

Hindi naman masabi ni Roque kung ano ang magiging set-up ng susunod na biyahe ng Presidente matapos ipag-utos sa mga taga-gobyerno na magtipid sa gastos at huwag gamitin ang pondo ng kanilang opisina para sa kanilang pagpunta sa abroad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?