47

Oct 3, 2017 @ 12:37

Duterte ‘bingi’ sa panawagan laban sa EJKs

Nauwi lamang sa tengang-kawali ang panawagan na itigil na ang serye ng mga patayan kaugnay ng ikinasang drug war ng administrasyon.

Ito ang dismayadong tinukoy ni Legazpi Bishop Joel Baylon, halos isang taon matapos ang inilathala niyang open letter para kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan siya ay nanawagan na matigil na ang extrajudicial killings, maimbestigahan at maaresto ang mga nasa likod ng nasabing mga pagpatay.

“It seems our appeal fell on deaf ears and stony hearts. But the recent murders of several youngsters and attempts to restrain the promotion of human rights have awakened the consciences of many,” ang turan ni Bishop Baylon sa kanyang pinakabagong pastoral letter.

Kaugnay nito, nanawagan na si Baylon sa mga mamamayan na sumama sa paggigiit ng pananagutan at transparency mula sa mga pinuno sa gobyerno at mga opisyal sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng madugong drug war ng administrasyon.

“Even as we support their efforts for meaningful reforms and their fight against corruption and criminality, we shall also speak out and mobilize when, in the process of change, human rights are trampled upon, the rule of law set aside, and democratic institutions destroyed,” dagdag ni Baylon.

Aniya, malaki rin ang dapat na maging partisipasyon ng mga simbahan, eskwelahan at maging ng media para matigil ang paglaganap ng iligal na droga at maitaguyod ang dignidad ng pagiging tao.

“We shall make our parishes and schools, our media outlets and social media accounts, platforms for truth-telling, venues for dialogue among various stakeholders, and common ground for listening to voices that may speak different opinions but share common aspirations,” sabi pa Obispo.

Umapela rin ang Obispo sa mamamayan na makiisa sa “Prayer at Nine” kung saan tuwing alas nuwebe ng gabi ay ipagdarasal ang mga biktima ng summary execution kasabay ng pagpapatunog sa kampana ng Simbahan sa nabanggi na oras.

Umaasa rin itong patuloy na partisipasyon ng mamamayan sa “Forty Days of Prayer for the Dead” na magtatapos sa November 1, 2017. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?