16

Oct 5, 2021 @ 15:20
By

Duterte binalaan mga gustong umepal sa halalan

Winarningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga political warlords, mga komunista at mga narco-politicians na huwag magkamaling makialam sa darating na eleksyon sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na gusto nitong makatikim ng malinis na eleksyon ang mga Pilipino bago ito umalis sa puwesto kaya hindi niya papayagang mamayani ang karahasan, pananakot at pagbili ng mga boto gamit ang drug money.

“I am warning everybody, everybody, kasama ko sa partido o hindi, o kaibigan kita o hindi, kalaban kita, itong eleksyon na ito huwag kang magkamali kasi nandiyan pa ako,” anang Pangulo.

Bagamat ang Commission on Elections aniya ang punong abala sa darating na halalan, sinabi ng Pangulo na makikipag-ugnayan siya sa komisyon para masigurong walang dayaan at kaguluhan sa darating na eleksyon.

“I will not allow fraud tapos yung mga tigas-tigas, political warlords na may mga armas at saka yung drug money. Malaman namin yan kung magtatapon ka ng pera, yung magbili ka ng boto, isang libo isang boto, ah titingnan ka namin,” dagdag ng Pangulo.

Binalaan din ni Pangulong Duterte ang New Peoples Army na huwag sumali sa kaguluhan dahil iba ang ipinaglalaban ng mga ito at walang kinalaman sa eleksyon.

“Kayong mga NPA huwag kayong sumali. You are fighting another cause, it’s a losing one, huwag kayong makialam dito sa eleksyon!” wika ng Pangulo.

Matatandaang aktibo rin ang mga NPA sa panahon ng eleksyon sa pamamagitan ng paghingi ng malaking pera sa mga politiko kapalit ang proteksyon at malayang pangangampanya sa mga lugar na itinuturing na balwarte ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?