33

May 3, 2021 @ 19:19
By

Duterte binakunahan na ng Sinopharm

Nagpabakuna na si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa COVID-19 ngayong Lunes ng gabi.

Sa video na inilabas sa Facebook page ni Senador Bong Go, makikita si Health Secretary Francisco Duque III na siyang nagturok ng bakuna sa Presidente.

Bago ito tinurukan ay kinumusta muna  ni Duque   ang Pangulo na sinagot naman nito na maayos ito.

Sinabi ni Pangulong Duterte na matagal na niyang hinihintay na mabakunahan subalit kinakailangan aniyang hintayin ang assessment ng kanyang doktor, na pinili ang Sinopharm vaccine.

“I feel good and I have been expecting this shot, vaccination a long time ago and it was talking a private doctor a long time to make the assessment. And she has chosen Chinafarm (Sinopharm). So Sinopharm itong itinuturok sa akin,” anang Pangulo.

Ang Sinopharm ang choice ng Pangulo kahit pa nauna nang dumating sa bansa ang ibang brands ng bakuna gaya ng Sinovac at AstraZeneca at ang Sputnik V ng Russia.

Wala pang Emergency Use Authorization na inisyu ang Food and Drugs Administration para sa Sinopharm vaccine subalit mayroong “compassionate special permit” na ibinigay sa Presidential Security Group (PSG) para sa 10,000 doses na nagamit na sa PSG personnel.

Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque ang unang dose ng bakuna ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng Sinopharm vaccine.

Ang bakuna aniya ng Presidente ay saklaw ng compassionate use permit na inisyu ng FDA sa PSG hospital.

“This confirms that PRRD received his first dose tonight of the Sinopharm COVID-19 vaccine. His first dose was covered by the compassionate use permit issued to the PSG hospital by the FDA,” ani Roque.

Sinabi naman ni Senador Bong Go na nagpabakuna ang Presidente hindi lamang para protektahan ang kanyang kalusugan mula sa COVID-19 kundi para na rin hikayatin ang publiko na magpabakuna.

Bilang isang senior citizen, sinabi ng senador na kasama si Pangulong Duterte sa prayoridad na dapat mabakunahan.

“Huwag dapat tayo matakot sa bakuna. Matakot tayo sa COVID-19. Suportahan natin ang ating National Vaccination Program at magtiwala tayo sa bakuna dahil ito ang solusyon upang malampasan ang krisis na ito at ang tanging susi tungo sa ating pagbalik sa normal na pamumuhay,” ani Senator Go.

 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?