253

Jul 15, 2020 @ 9:44
By

Duterte: Binaboy ako ng ABS-CBN

May mga bagong patutsada si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ABS-CBN, ilang araw matapos tanggihan ng Kamara ang franchise application nito.

Matapos tirahin ang mga water concessionaire na Manila Water ng Ayala at Maynilad ni Manny Pangilinan sa kanyang pahayag sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu, sinabi ng Pangulo na masaya siyang “nabuwag” ang oligarchy sa bansa kahit hindi nagdedeklara ng martial law.

“’Yun namang ABS-CBN, binaboy ako. Pero sinabi ko kapag ako nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko. Without declaring martial law, sinira ko yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit sa tao at hindi nagbabayad. They take advantage, sa kanila political power,” wika ni Duterte sa audio recording ng buong speech, na nakuha ng Inquirer.

Giit pa ni Duterte, tax-free umano ang mga equipment ng Kapamilya network. Meron din umanong “holding company” ang ABS-CBN sa ibang bansa.

“Tapos may mga holding company sa labas. Ganun din. Ano yung, ano yung inano nila ni Marcos. Sila rin. Cayman, tapos may holding company sa Hungary, dun nila binubuhos. Kunwari, may ano sila, may investment sila dun. Padala sila ng pera. Pero yung investment na yan, wala na. ‘Yung pera hindi na yan babalik. Kaya walang taxes. And to think that they talk and they play God over the lives of the Filipino. Kaya ako, wala akong ano,” dagdag niya.

Tinanggi naman ng Pangulo na siya ang dahilan sa ABS-CBN shutdown, dahil ang House Committee on Legislative Franchises aniya ang tumanggi sa bagong prangkisa ng network.

Matatandaang ilang beses tinira ng Pangulo ang broadcast giant dahil sa hindi pag-ere ng campaign ad niya noong Halalan 2016.

Noong Disyembre 2019 pa, sinabi niyang: “Ikaw, ABS-CBN, you’re a mouthpiece of… Ang inyong franchise, mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out.”

Sa pahayag ni Duterte noong Martes, na inere ng state-run Radio Television Malacañang, hindi binanggit ng Pangulo ang ABS-CBN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?