446

Nov 6, 2018 @ 12:14
By

Duterte binabantayan ang Dengvaxia issue, parusa sa mga opisyal ipinangako

Bagamat abala sa maraming bagay, nakabantay umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahihinatnan ng Dengvaxia issue partikular sa paghahabol ng hustisya para sa mga batang namatay sa bakuna.

Kasunod na rin ito ng kagustuhan ng Public Attorney’s Office (PAO) na itaas sa kasong murder ang isinampang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health sa pangunguna ni dating Health Secretary Janet Garin.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pinapakinggan ng Presidente ang panawagan ng hustisya ng pamilya ng mga batang nasawi sa Dengvaxia vaccine.

“The President is monitoring the issues surrounding the anti-dengue vaccine called Dengvaxia. He hears all the calls for justice of families of children whose deaths are reportedly caused by the said vaccine,” ani Panelo.

Umaasa ang Palasyo na maglalabas ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) sa katapusan ng buwan sa hangaring mapanagot ang mga nagkulang at posibleng nakinabang sa pagbili ng Dengvaxia dahil buhay ng mga inosenteng bata ang naging kapalit nito.

“Appropriate charges will be lodged and pursued against government officials and private individuals found responsible by the DOJ for this failed health program for children,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?