30

Jun 12, 2020 @ 18:13

Duterte bibigyan ng virus bakuna ni Xi Jinping

Makakaasa ang Pilipinas ng tuloy-tuloy na tulong mula sa China para malabanan ang epekto ng COVID-19 pandemic at tiniyak din nito na bibigyan ang mga Pilipino ng tinutuklas nilang bakuna.

Ito ang tiniyak ni Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pag-uusap sa telepono Huwebes ng gabi.

Batay sa pahayag ng Chinese Embassy sa Manila, pinuri ni President Xi ang ginagawang mga aksiyon ng administrasyong Duterte para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 na nagpakita aniya ng positibong resulta.

Nakahanda aniya ang China para sa tuloy tuloy na suporta sa Pilipinas batay sa pangangailangan ng bansa.

Ipinabatid umano ni Xi kay Pangulong Duterte na magagamit ng buong mundo ang tinutuklas nilang bakuna sa COVID-19 para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Sa panig naman ni Pangulong Duterte, kinilala nito ang matagumpay na paglaban ng China sa pandemic, pati na ang malaking tulong na ibinibigay sa mga kaalyadong bansa katulad ng Pilipinas.

Tiniyak ni Pangulong Duterte kay Xi na mananatiling kaalyado ng China ang Pilipinas at hindi papayagang magamit ang Pilipinas para sa mga aksiyon laban sa China. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?